Sa bawat umaga ay laman ka ng aking isipan

Sa bawat bagay na aking ginagawa alaala mo ay nasa aking isipan. Ngayong mga sandaling oras na ito na napakalakas ng bagyong Olga, sana ay ligtas ka at ang iyong pamilya.

Hindi man ako nagsasalita at nakikipag usap sa iyo, ito ay bunga ng aking personal na desisyon para sa iyong ikabubuti. Lagi kitang naiisip. Sa totoo nga'y kaninang umaga lamang ay napanaginipan kita ngunit naputol ang aking panaginip dahil alas onse na ng umaga at kailangan ko nang bumangon para pumasok sa trabaho. Ang lagi kong panalangin ay nasa mabuti ka sanang kalagayan. Na ikaw ay masaya, malaya, at patuloy na pinagbubuti ang iyong buhay at hindi nangangailangang pumasok sa isang romantikong relasyon upang maging masaya. 

Hindi ako mahihiyang sabihin sayo na hanggang ngayon, mahal padin kita

Mahal na mahal. 

Ngunit hindi lahat ng nagmamahalan ay naka tadhana na magkatuluyan para sa isat-isa. Masakit mang isipin pero yun ang totoo. Isang bagay na hindi tayo ang pumili, kundi ang tadhana. Maaaring gawang isip lamang ang Romeo at  Juliet ni Shakespear, pero ang pagmamahal ni Rizal kay Leonor Rivera ay tunay at maaaring maisalarawan na tulad nito. Hindi man sila nagkatuluyan, naniniwala ako na ramdam nilang dalawa ang damdamin ng bawat isa.

Hindi man ako kasing talino ni Rizal, hinihiling ko na kapag nabasa mo ang liham na ito ay mapagtanto mo ang mga masasayang alaala nating dalawa. Mga panahon na magkasama tayo at puno ng saya, ligaya, puno ng away ngunit nagkakabati muli. Napakadami nating nakakalulang pinagsamahan, mga bagay na alam kong dadalhin natin hanggang sa ating pagtanda. 

Ikaw ang Leonor Rivera ko, na sa kabila ng madaming pagbusok na aking naranasan sa iyo, hinahanap hanap ko ang bawat oras na kapiling kita. Bawat sandali na ako'y nakatitig sa iyong maliit na mukha na puno ng saya sa bawat maliliit na bagay na aking ginagawa para sa iyo. 

Patuloy kitang dadalhin sa aking puso at isipan saan man ako tumungo hanggang mapawi ang sakit na aking nararamdaman bunga ng iyong paglisan. 

Patuloy kitang iisipin hanggang ang iyong mukha at bawat alala ko sa iyo ay maglaho.

Patuloy kitang mamahalin hanggang sa dumating ang panahon na ako'y iyo nang malimutan dala ng paglipas ng panahon...

Ako si putu, at ito ang mga bagay na hindi ko pa nasasambit.






Comments

Popular Posts